Magic itinakas ni Carter sa Lakers
LOS ANGELES - Isinalpak ni Wendell Carter Jr. ang isang go-ahead putback sa huling 6.7 segundo para sa 110-109 pag-eskapo ng Orlando Magic sa Lakers.
Tumapos si Carter na may 20 points, 11 rebounds at 2 assists para sa Orlando (31-26).
Naimintis ni LeBron James ang isang fallaway three-point attempt sa final shot ng Los Angeles (34-23) na nalasap ang ikaapat na talo sa huli nilang anim na laro.
Nakabangon ang Magic mula sa double-digit deficit para ilista ang five-point lead sa 5:30 minuto ng fourth period bago isalpak ni Rui Hachimura ang panablang three-pointer para sa La-kers sa huling 2:14 minuto.
Ipinasok ni Bane ang isang go-ahead triple sa panig ng Orlando sa nalalabing 34.6 segundo kasunod ang dunk ni James para sa 109-108 abante ng Los Angeles.
Matapos ang go-ahead putback ni Carter na nagbigay sa Magic ng 110-109 bentahe ay bigo naman si James na maipasok ang kanyang desperation shot sa huling posesyon ng Lakers.
Tumipa si Doncic ng 22 points at 15 assists para sa Los Angeles habang may tig-21 markers sina James at Deandre Ayton.
Sa iba pang laro, panalo ang Philadelphia 76ers sa Indiana Pacers, 135-114; tinalo ng Dallas Mavericks ang Brooklyn Nets, 123-114; at wagi ang Atlanta Hawks sa Washington Wizards, 119-98.
- Latest


















