Wemby, Spurs lusot sa Celtics

MANILA, Philippines — Iniskor ni Victor Wembanyama ang 16 sa kanyang 21 points sa second half, kabilang ang isang game-sealing jumper sa huling 19.2 segundo para igiya ang San Antonio Spurs sa 100-95 paglusot sa Celtics.
Kumamada rin si De’Aaron Fox ng 21 points para sa ikalawang sunod na panalo ng San Antonio (27-11) matapos ang two-game losing skid.
Nagdagdag si Keldon Johnson ng 18 points at 10 rebounds.
Binanderahan ni Derrick White ang Boston (24-14) sa kanyang 29 points kasunod ang 27 markers ni Jaylen Brown.
Tabla ang laro sa 84-84 bago isalpak ni Baylor Scheierman ang kanyang corner three-pointer kasunod ang salaksak ni White para sa 88-84 abante ng Celtics sa fourth quarter.
Isang 9-2 atake ang ginawa ng Spurs para agawin ang 93-91 bentahe sa huling 2:14 minuto ng laro.
Muling tumabla ang Boston sa 93-93 galing sa layup ni Brown kasunod ang fadeaway jumper ng 7-foot-6 na si Wembanyama para sa 95-93 kalamangan ng San Antonio sa huling 1:33 minuto.
Ang turnover ni Brown sa posesyon ng Celtics ang nagresulta sa putback ni Julian Champagnie para sa 97-93 abante ng Spurs sa natitirang 41 segundo.
Ang left-wing jumper ni Wembanyama ang nag-angat sa San Antonio sa 99-95.
Sa iba pang laro, tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Minnesota Timberwolves, 146-134; panalo ang Indiana Pacers sa Miami Heat, 123-99; pinataob ng Los Angeles Clippers ang Detroit Pistons, 98-92; sinuwag ng Chicago Bulls ang Dallas Mavericks, 125-107; at minasaker ng Charlotte Hornets ang Utah Jazz, 150-95.
- Latest

















