Eala sibak sa Berlin Open

MANILA, Philippines — Tuluyan nang natuldukan ang cinderella run ni Alex Eala matapos lumasap ng 2-6, 4-6 kabiguan sa kamay ni Linda Noskova ng Czech Republic sa semifinals ng Berlin Open kahapon sa Steffi Graf Stadion sa Germany.
Naging matibay na armas ni Noskova ang solidong serves nito matapos magpakawala ng siyam na aces para tuluyang patalsikin sa kontensiyon ang Pinay netter.
Tumagal lamang ang laro ng isang oras at siyam na minuto.
Sinubukang pumalag ni Eala sa second set nang kunin nito ang 4-3 kalamangan.
Subalit agad na rumesponde si Noskova nang maglatag ito ng solidong laro sa tatlong sunod na games para makuha ang panalo.
Una nang pinatumba ni Eala ang mga bigating pangalan sa Berlin Open.
Sinimulan ito ni Eala nang pataubin nito si Queen’s Club champion Donna Vekic ng Croatia sa first round (7-5, 6-4) kasunod ang impresibong panalo kay world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa second round (7-5, 6-4).
Nakapasok sa semis si Eala nang igupo nito si world No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine, 6-3, 6-4, sa quarterfinals.
Hindi naman uuwing luhaan si Eala dahil magkakamit ito ng 57, 395 Euros o halos P4 milyon.
Bukod pa rito ang pag-angat ni Eala sa No. 30 sa WTA live rankings.
Sunod na tututukan ni Eala ang Bad Homburg Open na magsisimula ngayong araw.
Walang pahinga ang Pinay netter dahil unang makakalaban ni Eala si Elise Mertens ng Belgium sa first round.
Lalarga rin si Eala sa doubles kasama si dating Grand Slam champion Venus Williams ng Amerika.
Gaya sa Berlin Open, wild card din si Eala sa Bad Homburg Open.
- Latest






















