Carlos, Eldrew minalas sa gold

MANILA, Philippines — Minalas si Carlos ‘Caloy’ Edriel Yulo na makakuha ng gold medal sa nilahukang parallel bars at horizontal bar sa pagtatapos ng 13th Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships kahapon sa Zunyi, China.
Pumuwesto ang 2024 Paris Olympics double-gold medalist sa pang-anim na puwesto sa parallel bars sa kanyang itinalang 13.566 points.
Si Zhang Boheng ng China (14.933) ang kumuha sa gold kasunod sina Sunghyun Ryu ng South Korea (14.500) at Hung Yuan-Hsi ng Taipei (13.800) para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos naman ang 26-anyos na si Yulo sa pang-limang posisyon sa horizontal bar sa itinala niyang 13.500 points sa ilalim ng kanyang utol na si Eldrew na nagtala ng 13.833 points para sa fourth place.
Ang ginto ay ibinulsa ni Tang Chia-Hung ng Taipei (15.500), habang ang pilak ay nakuha ni Zhang Boheng ng China (15.000) at ang tanso ay napunta kay Fusuke Maeda ng Japan (14.300).
Nauna nang inangkin ni Yulo ang gold medal sa paborito niyang floor exercise event noong Sabado.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ni Yulo sa naturang event sa Asian Championships matapos noong 2022 sa Doha, Qatar.
Wagi rin ang batang Maynila sa 2023 edition sa Singapore, noong 2024 sa Uzbekistan at noong 2025 sa South Korea.
Kagaya ni Yulo, bigo rin ang 18-anyos na si Eldrew na maduplika ang kanyang bronze medal finish sa floor exercise sa nilahukang horizontal bar.
Ito ang ikaapat na podium finish ni Eldrew ngayong taon matapos kumubra ng isang gold at dalawang bronzes sa nakaraang FIG Artistic Gymnastics World Cup Series.
- Latest






















