Nouri bumida sa Blitz Open

MANILA, Philippines — Pinisak ni Pinoy FIDE Master Alekhine Nouri si International Master Miroslav Vlasenko ng Russia upang magkampeon sa blitz sa open section ng 6th ASEAN Individual Chess Championships-Gov. Henry Oaminal Cup na nilaro sa Asenso Misamis Occidental Resort and Aquamarine Park, Linggo ng gabi sa Ozamis, Misamis Occidental.
Tinapos ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) awardee Nouri si Vlasenko sa 61 moves ng Nimzovich upang ilista ang walong puntos sapat upang masilo ang korona.
Ginugulat si reigning national junior champion at Asian juniors rapid king ng Russian woodpushers dahil sa mga tirang wala sa linya pero nanatiling naka-pokus ang Pinoy sa kanyang laro kaya naman sa bandang huli ay nakalamang ito ng isang piyesa.
“I just played my game and took it as an opportunity, good thing I won,” ani Nouri na magdidiwang ng ika-20 kaarawan sa Disyembre 12.
Sa katunayan, kasalo ni Nouri sa No. 1 ang kababayang si Grandmaster Daniel Quizon subalit matapos ipatupad ang tie-break ay naghari ang una.
Nakopo ni Quizon, kinaldag si IM Christian Gian Karlo Arca sa 47 moves ng King’s Indian Attack ang silver habang bronze ang naiuwi ni Indonesian GM Novendra Priasmoro.
- Latest



















