PVL title amoy na ng Cool Smashers

MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ni Jema Galanza ng kanyang ika-30 kaarawan ay ang pagdikit ng nagdedepensang Creamline sa kanilang ika-12 korona.
Winalis ng Cool Smashers ang Farm Fresh Foxies, 25-11, 25-16, 25-16, sa Game One ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series Finals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Galanza na may 15 points at may 14 excellent sets si playmaker Jia de Guzman para sa 1-0 lead ng Creamline sa kanilang best-of-three championship series ng Farm Fresh.
“Ramdam talaga iyong eagerness na gustong makuha itong Game One,” ani Galanza. “Pero sabi namin, one point at a time, huwag tayong magmadali kasi lalaban at lalaban sila (Farm Fresh).”
Puwede nang sikwatin ng Cool Smashers ang gold medal sa panalo sa Foxies sa Game Two sa Martes sa parehong venue.
Sa first set pa lamang ay ipinakita na ng Creamline ang kanilang championship experience nang hatawin ang 25-11 panalo tampok ang winning spike ni Michele Gumabao.
Saglit na lumaban ang Farm Fresh sa second set sa paglapit sa 6-7 bago muling nagdomina ang 11-time PVL champions para sa 25-16 pananaig.
Tuluyan nang kinumpleto ng Cool Smashers ang straight-set win sa Foxies sa 25-16 panalo sa third set.
Samantala, humataw sina Sisi Rondina-Rosales at Eya Laure ng pinagsamang 23 points para banderahan ang Choco Mucho sa 25- 14, 25-23, 25-22 pagwalis sa Nxled sa series opener ng kanilang agawan sa bronze medal.
Maaari nang angkinin ng Flying Titans ang kanilang unang bronze kung muling tatalunin ang bumubulusok na Chameleons sa Game Two sa Martes sa parehong venue.
Nanalo na ang tropa ni coach Dante Alinsunurin ng silver medal sa 2023 Second All-Filipino Conference at 2024 All-Filipino Conference.
- Latest



















