Biado lusot kay Zielinski

MANILA, Philippines — Nagtala ng importanteng panalo si two-time world champion Carlo Biado upang samahan ang anim na Pinoy cue artists na umabante sa Round-of-16 ng 33rd World Pool Championship na nilalaro sa Green Halls sa Jeddah Saudi Arabia.
Pinag-impake ni 2017 World 9-ball Championship at 2024 World 10-ball Championship king, Biado si Wiktor Zielinski, 11-8 ng Poland upang mapalakas ang tsansa sa asam na korona sa $1,000,000 prize fund ng nasabing tournament.
Ligwak naman sa tournament ang isa sa liyamadong pool player na si reigning Knight Shot 9-ball Open ruler, Johann Chua matapos yumuko sa kababayang si Anton Raga, 6-11 sa Round-of-32.
Bukod kina Biado at Raga, ang ibang Pinoy bet na umusad sa last 16 ay sina Jeffrey Roda, Bernie Regalario, Patrick Gonzales, Jeffrey Ignacio at isa pang posibleng magkampeon, James Aranas.
Pinatalsik ni Aranas si Mickey Krause, 11-4 ng Denmark.
Si James Aranas ang kakampi ni Philippine Sportswriters Association, (PSA) awardee, Chua nang magkampeon sila sa World Cup of Pool noong 2023.
Subalit sa pitong nakapasok sa sumunod na phase ay posibleng lima lang sa kanila ang makakausad sa quarterfinals dahil magkalaban sina Biado at Ignacio habang katapat ni Regalario si Gonzales.
Ang kagandahan ay may siguradong Pinoy ang sasampa sa last 8 pool players sa event na nakalaan ang $250,000 sa magka-kampeon.
Makakatapat ni Roda si Duong Quoc Hoang ng Vietnam, kalaban ni Raga si Ameer Ali ng Iraq, habang katumbukan ni Aranas si Ko Ping Chung ng Chinese Taipei.
- Latest

















