Meralco tumba sa Phoenix
MANILA, Philippines — Ang tatlong sunod na three-point shots ni Ricci Rivero ang nagpasimula ng arangkada ng Fuel Masters patungo sa una nilang panalo.
Pinadapa ng Phoenix ang nagdedepensang Meralco, 109-97, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumanat si Tyler Tio ng 22 points at may 20 markers si Rivero tampok ang perpektong 4-of-4 shooting sa 3-point range para sa 1-2 kartada ng Fuel Masters na inilaglag ang Bolts sa 2-2 marka.
Nagdagdag ang nagbabalik na si Jason Perkins ng 19 points kasunod ang 11 markers ni Kai Ballungay.
“We’re all doing the right things but we just couldn’t get the results that we wanted,” sabi ni coach Jamike Jarin sa pagsisimula ng Phoenix sa torneo sa 0-2. “We all just gathered together and had fun and play our game and stay together.”
Binanderahan ni Chris Newsome ang Meralco sa kanyang 18 points at may 17 at tig-12 markers sina Bong Quinto, Toto Jose at Aaron Black, ayon sa pagkakasunod.
Nagsalpak si Rivero ng tatlong dikit na triples sa pagbubukas ng laro para igiya ang Phoenix sa 31-13 abante sa pagtatapos ng first period.
“Big thing din siguro is we really moved the ball a lot today a lot more than the previous two games. Siguro mas napunta namin siya doon sa mas open na tao.”
Tuluyan nang naiwanan ang Meralco sa 21-44 sa second quarter papunta sa halftime, 37-58.
Isang 12-3 atake ang inilunsad ng Bolts sa likod nina Newsome, Quinto at Black para makalapit sa 49-61 sa kaagahan ng third canto.
Ngunit muling umarangkada ang Fuel Masters sa pagtatayo ng 91-68 kalamangan sa pagtatapos ng nasabing yugto.
Nagsalpak ng dalawang free throws si Perkins sa huling 6:15 minuto ng fourth period para sa 99-79 pagbaon ng Phoenix sa Meralco.
Pupuntiryahin ng Fuel Masters ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Magnolia Hotshots sa Abril 26 sa Zamboanga City.
- Latest