Lady Bulldogs reresbak
MANILA, Philippines — Desidido ng defending champion na makaresbak matapos madungisan ang kanilang rekord sa UAAP Seson 87 women’s volleyball tournament.
Nakatikim ng kabiguan ang Lady Bulldogs nang yumuko ito sa University of the Philippines sa iskor na 24-26, 25-23, 25-17, 23-25, 12-15 noong Miyerkules.
Nahulog sa 8-1 baraha ang Lady Bulldogs.
Ngunit kailangan kalimutan na ang lahat at isentro ang kanilang atensiyon sa mga susunod na laban nito.
Kaya naman pusigido ang Lady Bulldogs na muling bumalik sa training upang pag-aralan ang mga naging pagkukulang nito.
“Mas magiging masipag kami sa training. I always believe na sa training magsisimula lahat. Kung ano ginagawa mo sa training, ‘yon din yung magagawa mo sa laro,” ani reigning UAAP MVP Bella Belen.
Blessing in disguise para sa NU na nakatikim na ito ng pagkatalo upang maalis ang pressure sa kanila.
Kailangan lang ng tropa na maibalik ang bangis nito.
“Siguro ngayon na natalo kami, ang magiging mindset ng bawat isa sa amin is paano kami babangon sa pagkatalo namin,” dagdag ni Belen.
Alam ni Belen na marami silang pagkukulang na dapat matutukan upang hindi na maulit pa ito.
“I think sa team namin, may mas maganda pa dapat na ginawa. Meron sigurong pagkukulang sa part namin, and at the same time, nasabayan ng magandang laro ng UP,” ani Belen.
Nagtala si Belen ng 21 puntos mula s 16 attacks at limang blocks kasama pa ang 13 digs at 12 excellent receptions.
- Latest