Gilas mapapalaban sa FIBA Asia Cup
MANILA, Philippines — Natukoy na ang 12 koponang pasok sa FIBA Asia Cup proper na idaraos sa Agosto 5 hanggang 17 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Pasok na ang Gilas Pilipinas na may hawak na 4-2 rekord sa group B kasama ang nangunang New Zealand na bitbit ang 5-1 baraha.
Nakasiguro na rin ng tiket ang powerhouse at defending champion Australia at South Korea mula naman sa Group A.
Sa ibang grupo, umabante rin ang Paris Olympics qualifier Japan at China sa Group C, Jordan sa Group D, Iran at Qatar sa Group E, at ang Lebanon at Syria sa Group F.
Awtomatiko namang mabibiyayaan ng tiket ang Saudi Arabia na magsisilbing host country sa torneo.
May apat na slots pa ang paglalabanan ng mga ibang teams upang makumpleto ang 16-squad lineup para sa FIBA Asia Cup proper.
Base sa mga nakapasok, dekalibre ang mga koponang makakalaban ng Gilas Pilipinas.
Una na ang Australia na may dalawang titulo sa torneo — noong 2017 at 2022. Nariyan pa ang China na 16 beses na nagkampeon kabilang ang huling korona nito na nakuha noong 2015 edisyon.
May tatlong korona naman ang Iran noong 2007, 2009 at 2013 habang may dalawa sa South Korea (1969 at 1997) at Japan (1965 at 1971).
Hindi naman papakabog ang Pilpinas na may limang korona — noong 1960, 1963, 1967, 1973 at 1985.
May apat na dekada nang hindi nagkampeon ang Pilipinas sa naturang torneo kaya’t desidido ang Gilas na muling gumawa ng kasaysayan gaya ng ginawa nito sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.
- Latest