Gilas laglag sa no. 2 spot

MANILA, Philippines — Nagkasya sa segunda puwesto ang Gilas Pilipinas sa Group B matapos tumaob kontra sa New Zealand, 87-70, sa pagtatapos ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers kahapon sa Spark Arena sa Auckland.
Kinapos ang comeback ng Nationals mula sa higanteng 28-point deficit para sa 4-2 kartada sa likod ng No. 1 seed na New Zealand (5-1) papasok sa mismong Asia Cup sa Hulyo sa Jeddah, Saudi Arabia.
Natameme ang naturalized player na si Justin Brownlee sa 10 puntos lang matapos kumamada ng 39 puntos sa unang 91-84 kabiguan ng Gilas kontra sa Chinese Taipei na siyang lubusang ininda ng koponan.
Matapos namang alatin kontra Taipei, naibalik ng local crew ang porma nila nang tumikada ng 13 puntos si Chris Newsome habang may 11 puntos din si 8-time PBA MVP June Mar Fajardo.
May tig-8 puntos din na ambag sina Dwight Ramos at Calvin Oftana subalit kapos pa rin para sa mga tropa ni coach Tim Cone na hindi agad pinaporma ng NZ sa first quarter, 30-15.
Matatandaang tinalo ng Gilas ang NZ, 93-89, sa unang pagkakataon sa kasaysayan noong nakaraang window subalit nakalasap ng matinding higanti ngayon nang maiwan pa sa hanggang 53-33 sa halftime.
Tuluyang bumulusok sa 67-39 bentahe ang NZ subalit hindi agad sumuko ang Gilas nang magpakawala ng 27-10 birada upang makalapit sa hanggang 66-77 sa fourth quarter.
Iyon na ang huling subok ng Gilas, na iniinda pa rin ang ACL injury ni Kai Sotto, sa kinapos na comeback at itutuon ngayon ang atensyon sa paghahanda para sa Asia Cup.
- Latest