Beda sisimulan ang title defense vs Lyceum
CEBU, Philippines — Bubuksan ng San Beda University ang pagtatanggol sa korona sa pagdribol ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalabanan ng San Beda ang host Lyceum of the Philippines University sa alas-2:30 ng hapon kasunod ang upakan ng Mapua University at College of Saint Benilde sa alas-4:30.
Wala na sa Red Lions sina key players Jacob Cortez, Peter Alfaro, Damie Cuntapay at Clifford Jopia.
Lumipat si Cortez, anak ni dating PBA guard Mike Cortez, sa De La Salle Green Archers sa UAAP habang naglalaro na sa PBA sina Alfaro, Cuntapay at Jopia.
“We won a championship last year and we know teams are going to go hard against us,” wika ni coach Yuri Escueta.
Sina team captain Yukien Andrada, Nygel Gonzales, James Payosing, Jomel Puno, Emman Tagle, Joshua Tagala at AJ Royo ang sasandigan ng San Beda para sa asam na back-to-back crown.
Si Greg Cunanan ang tatayong lider ng Pirates matapos mawala sina Enoch Valdez, Shawn Umali at Oman Omandac.
- Latest