Lady Altas pumalo ng back-to-back wins
MANILA, Philippines — Sumiksik sa three-way tie sa No. 3 spot ang University of Perpetual Help System DALTA matapos gibain ang San Sebastian College, 25-23, 27-25, 25-14, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumana si skipper Razel Aldea ng season-high 11 points mula sa pitong attacks at apat na blocks upang akbayan ang Lady Altas sa 4-2 marka katabla ang Letran Lady Knights at Mapua Lady Cardinals.
Dahil sa ipinakitang tikas ni Aldea ay inirehistro ng Perpetual ang unang back-to-back wins sa season.
Mag-isa sa tuktok ng team standings ang defending champions St. Benilde Lady Blazers na may 6-0 karta, habang nasa second spot ang Lyceum Lady Pirates na hawak ang malinis 5-0 record.
Pinangunahan ni Shaila Omipon ang opensa ng Lady Altas matapos magtala ng 16 points at bumakas si reigning MVP Mary Rhose Dapol ng 11 markers at pitong receptions
Nabaon naman sa ilalim ng team standings ang Lady Stags sa 0-6 baraha.
Sa unang laro, tinalo ng Mapua ang Letran, 25-19, 25-22, 21-25, 27-25.
Bumira si Raissa Ricablanca ng 19 points mula sa 15 attacks at may 14 markers si Roxie Dela Cruz.
- Latest