Velasco pang-anim sa Stage 8 ng Biwase Cup
MANILA, Philippines — Pumuwesto si Kate Yasmin Velasco ng Team Philippines sa sixth place sa 115-kilometer stage eight ng 13th Biwase Cup na pinagreynahan ng isang Vietnamese rider.
Nagsumite si Velasco ng tiyempong dalawang oras, 50 minuto at 34 segundo na malayo sa 2:48:18 ng nagwaging si Tran Xuan Thao ng Vietnam kasunod ang mga kababayang sina Tran Thi Thuy Van (2:48:37:18) at Tran Thi Thuy Linh (2:50:18).
Maliban sa criterium stages, ang Stage 8 ay ang pinakamaikli sa 10-stage na Biwase Cup kung saan may dalawang minuto at 28 segundo ang agwat ni Avegail Rombaon sa Vietnamese winner kasunod sina teammates Mathilda Krog at Marianne Dacumos at Mixed Team rider Maura de los Reyes.
Kulelat naman ng 12 minuto si Mixed Team rider Jelsie Sabado at national team member Mhay Ann Linda.
Pang-lima ang Team Philippines—isinabak ng PhilCycling bilang paghahanda sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia at suportado ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, Tagaytay City, MVP Sports Foundation, Standard Insurance, Excellent Noodles at 7-Eleven—na may agwat na dalawang minuto at kalahati sa Tuyen Tp Hom Vinama (8:32:38) ng Vietnam.
Lamang pa rin si Batriya Chaniporn ng Thailand sa general classification ng 23 segundo sa kababayang si Somrat Phetdarin at isang minuto at limang segundo kay Vietnamese Bui Thi Quynh.
Nanatili si Dacumos sa No. 17 habang No. 22 at No. 24 sina Velasco at De los Reyes, ayon sa pagkakasunod.
- Latest