PSFI tutuklas ng bagong talento
MANILA, Philippines — Desidido ang national sambo team na magpasiklab sa mga international tournaments sa mga susunod na taon.
Kaya naman target ng Pilipinas Sambo Federation Inc na makatuklas ng bagong talento na huhubugin para maging bahagi ng national team.
Itataguyod ng PSFI ang 8th Women’s Martial Arts Festival simula sa Nobyembre 12 hanggang 18 sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang nga mangunguna sa naturang torneo ay ipadadala sa Asian Indoor Martial Arts Games na gaganapin naman sa Chonbuti at Bangkok, Thailand.
“Inspirasyon ang mga babae, kase one of the biggest achievement ng Pilipinas Sambo ay galing sa babae, isa pa first Olympic gold ay babae and this is the first time na kasali tayo sa All-Women’s Festival at first time din sa AIMAG ang combat sports. We always lean on towards gender equality,” ani PSFI President Paolo Tancontian kahapon sa lingguhang sesyon ng TOPS ‘Usapang Sports’ sa Bherouz Persian Cuisine sa Quezon City.
Itataguyod din ng asosasyon ang National Sambo Championship na magsisilbing qualifying para sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa susunod na taon.
“We’ll send the best fighters in Cambodian SEAG in our country, like (2019 SEAG champion) Mark Striegl and Rene Catalan, although we are going to undergo an extensive training after nilang dumaan sa matinding selection process sa national championship,” ani Tancontian na tatayo bilang Deputy Chef-de-Mission ng Team Philippines sa SEA games kasama sina Len Escollante ng Canoe-Kayak, CDM si Chito Loyzaga ng baseball.
Ipaparada ng Pilipinas sa biennial meet si Sydney Sy na nagwagi ng silver medal sa FISU University World Cup Combat Sports sa Samsun, Turkey sa women’s +80kgs heavyweight division.
Masisilayan ang World championship medalist kasama ang mga pambato ng national squad sa Sports at Combat Sambo sa 1st Mayor’s Cup sa Fora Filinvest Mall sa Tagaytay, Cavite sa October 2023.
Nakaginto rin si Sy sa 2022 Asian Sambo Championships sa Jouneih, Lebanon nitong nagdaang Hunyo matapos makuha ang unang titulo sa 2019 Asian juniors edisyon sa New Delhi, India.
“Sana tuloy-tuloy ang suporta para sa Pilpinas Sambo para mas mapropagate ang aming sport na layuning makapagbigay ng karangalan sa bansa. We are very thankful sa PSC (Philippine Sports Commission) at POC (Philippine Olympic Committee) na sana’y magpatuloy ang pagsuporta at tulong sa amin upang mas lalo pang mapalakas ang aming pampalakasan,” ani Tancontian sa forum na suportado ng PSC, Games and Amusement Board at PAGCOR.
- Latest