Fil-foreign players dadagsa sa PBA Rookie Draft

MANILA, Philippines — Nagsisimula nang magsulputan ang mga Filipino-foreign players na posibleng lumahok sa PBA Annual Rookie Draft na idaraos sa Mayo.
Sumama na sa listahan si Filipino-American guard Sedrick Barefield na kasalukuyang pinoproseso na ang kanyang Philippine passport para maging eligible sa draft sa taong ito.
Pinay ang ina ni Barefield na produkto ng University of Utah.
Nagtala ito ng averages na 16.8 points, 3.8 assists at 2.1 rebounds kada laro para mapasama sa All-Pac-12 team.
Malalim na rin ang karanasan ni Barefield dahil nakapaglaro na rin ito para sa Oklahoma City Blue sa 2019-20 season ng NBA G League.
Sa naturang season, nakapagtala si Barefield ng 9.0 points, 1.4 rebounds at 1.4 assists kada laro.
Nakapaglaro na rin ito sa ilang international clubs kabilang na ang Nevzis Kedainiai sa Lithuania at Apollon Patras sa Greece — bagay na magpapaganda sa kanyang resume.
Maliban kay Barefield, inaasahang sasabak din sa rookie draft sina Jason Brickman, Jeremiah Gray at Brandon Rosser.
Mas naging maluwag na ang PBA sa Rookie Draft kung saan kailangan lamang ng Philippine passport para maging opisyal na rookie applicant.
Hindi tulad sa mga nakalipas na edisyon na kailangan pa ng Bureau of Immigration certification at Department of Justice affirmation bago pormal na mapasama sa opisyal na listahan.
- Latest

























