Kung hindi magta-tryout, out sa national team- PNVF
MANILA, Philippines — Iginiit ng pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na hindi maaaring maging miyembro ng national team ang isang player kung hindi ito daraan sa tryouts.
Mismong si PNVF president Tats Suzara na ang nagpahayag na “no tryout, no national team” matapos mabigong makarating ang mahigit kalahati sa 40 players na inimbitahan nito.
May kabuuang 16 players lamang ang tumugon sa imbitasyon ng PNVF kabilang na sina middle blocker Jaja Santiago ng Chery Tiggo/Saitama Ageo Medics, at F2 Logistics standouts Aby Maraño at Majoy Baron.
Nasilayan din sa Day 1 ng tryouts sina Mylene Paat, Iris Tolenada, Ria Meneses at Dell Palomata gayundin sina Eya Laure, Kamille Cal, Mhicaela Belen, Ivy Lacsina, Alyssa Solomon, Jennifer Nierva, Faith Nisperos, Imee Hernandez at Bernadette Pepito.
Masaya si Suzara sa sakripisyong ibinigay ng lahat ng dumalo kaya’t tiniyak nitong halos sigurado nang mapapasama sa national pool ang 16 players na dumating.
“Whoever comes out will join the national team. I want to be fair to all. No tryout, no national team,” ani Suzara.
Nakasentro pa ang atensiyon ng PNVF sa ginaganap na tryouts kaya’t wala pa itong pahayag kung magkakaroon pa ng panibagong tryout para bigyan ng pagkakataon ang mga hindi nakarating.
Mga key players ang hindi nakadalo gaya ni da-ting national team skipper Alyssa Valdez.
Pangunahing dahilan ng mga players ang takot sa coronavirus disease (COVID-19) lalo pa’t mataas pa rin ang bilang ng mga tinatamaan sa NCR plus bubble.
Ang iba naman ay nasa ibang lugar gaya nina Filipino-Americans Kalei Mau at Alohi Robins-Hardy na parehong nasa Amerika, at Rhea Dimaculangan na napaulat na nasa Iloilo.
Samantala, 31 sa 40 imbitado sa men’s division ang dumating sa tryouts kahapon.
Isa sa mga hindi nakadalo si Bryan Bagunas na nagpapagaling pa sa MCL tear na tinamo nito habang naglalaro sa Japan V.League.
- Latest