Laban nina Casimero, Ancajas kanselado
MANILA, Philippines — Kinansela ng Top Rank Promotions ang lahat ng mga laban ngayong Marso maging ang mga bakbakan sa Abril dahil na rin sa patuloy na pagkalat ng coronavirus (COVID-19).
Sumama na ang Top Rank sa panawagan na kanselahin ang mga mass events upang hindi na tuluyang kumalat pa ang virus.
Ililipat sa ibang petsa ang mga laban kung kailan ligtas nang magsagawa ng mga sporting events.
Wala pang petsang inihayag ang Top Rank.
“Due to the COVID-19 pandemic, Top Rank has postponed all events scheduled for March and April. We are monitoring the situation closely and will reschedule the shows as soon as it’s safe and reasonable to do so,” ayon sa statement ni Top Rank chief Bob Arum.
Kapakanan ng mga atleta, opisyales at mga fans ang pangunahing isinasaalang-alang ng Top Rank.
Kabilang sa mga nakansela ang laban nina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero at reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight titlist Jerwin Ancajas na parehong nakatakda sa Abril.
Sasalang sana si Casimero kontra kay International Boxing Federation at World Boxing Association bantamweight titlist Naoya Inoue sa unification bout sa Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Haharapin naman ni Ancajas sa kanyang title defense si Mexican challenger Jonathan Rodriguez sa Abril 11 sa Cosmopolitan of Las Vegas sa Las Vegas, Nevada.
- Latest