Ancajas, Casimero boutsgagawing closed door?
MANILA, Philippines — Kaliwa’t kanan ang kanselasyon ng mga laro kabilang na ang 2020 3x3 President’s Cup at World Tour Manila Masters dahil sa coronavirus (COVID-19) outbreak.
Sa pagtindi ng coronovirus outbreak na kumalat na sa mahigit 100 bansa, pinag-paplanuhan na ng Top Rank Promotions na gawing closed door ang dalawang laban ng Pinoy boxers sa Abril.
Unang sasalang si Jerwin Ancajas na makikipagtuos kay Mexican Jonathan Rodriguez sa kanyang International Boxing Federation (IBF) super flyweight title defense sa Abril 11 sa Cosmopolitan of Las Vegas sa Nevada.
Maghaharap naman sa unification bout sina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero at World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) champion Naoya Inoue sa Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ilang events na ang kinansela ng Nevada State Athletic Commission dahil sa coronavirus na idineklarang pandemic ng World Health Organization.
Ngunit wala pang pahayag ang Nevada State Athletic Commission sa Ancajas-Rodriguez at Casimero-Inoue bouts dahil sa susunod na buwan pa ito idaraos.
Kaya naman gumagawa na ng hakbang ang kampo ni Top Rank Promotions chief Bob Arum para sa laban.
“We are planning to do these fights without spectators. (But so far) nothing is going to change within the month. Right now, we decided not to put the tickets on sale on April 11 but we’re not cancelling the event right now. We are planning that event to be held in a facility without spectators,” ani Arum.
Nakasalalay ang lahat sa magiging desisyon ng Nevada State Athletic Commission kung pahihintulutan itong matuloy o hindi.
Nauna nang inihayag ni Arum na mahigit 1,000 tiket na ang nabenta sa Casimero-Inoue fight habang naka-hold muna ang pagbebenta ng tiket sa laban nina Ancajas at Rodriguez.
Kung idaraos sa isang closed door ang laban ay tinatayang malulugi ang promoters ng $200,000.
Babawi na lamang ang mga ito sa pay-per-view buys.
Sakaling hindi matuloy ang mga laban, makikipag-ugnayan ang Top Rank sa Nevada State Athletic Commission upang magkaroon ng bagong schedule ang mga ito.
- Latest