Warriors durog sa Clippers
SAN FRANCISCO -- Dahil sa laki ng kanilang kalamangan ay ipinahinga ni coach Doc Rivers si star forward Kawhi Leonard sa kabuuan ng fourth quarter.
Umiskor si Leonard ng 23 points para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa 131-107 paglampaso sa Golden State Warriors.
Nag-ambag sina Paul George at Patrick Beverley ng tig-15 points para sa Clippers, may pitong players na tumapos ng double figures.
Nagdagdag si Reggie Jackson ng 16 points at humakot si JaMychal Green ng 13 points at 10 rebounds.
“You never know when a game’s going to be one-sided,” sabi ni Rivers. “I just like that we came out with the right approach, a business approach. We didn’t have ball movement the last game and that hasn’t been us. You could see the tone was set early just by the ball movement.”
Nagposte ang Clippers ng 28-point lead sa first half at ibinaon ang Warriors sa 84-50 sa kaagahan ng third period mula sa back-to-back triples ni Beverley.
Dinuplika ni Dragan Bender ang kanyang career-high na 23 points para sa Golden State habang may 21 at 10 markers sina Andrew Wiggins at Marquese Chriss, ayon sa pagkakasunod.
Sa Los Angeles, kumamada si Spencer Dinwiddie ng 23 points kasama ang kanyang tiebreaking jumper sa huling 28.3 segundo para akayin ang Brooklyn Nets sa 104-102 pagtakas sa Lakers.
Naimintis ni Anthony Davis ang kanyang wide-open 3-pointer sa pagtunog ng final buzzer na tumapos sa four-game winning streak ng Los Angeles.
Kumayod si LeBron James ng 29 points, 12 rebounds at 9 assists para sa Lakers habang may 26 markers si Davis.
- Latest