Cantada tiwalang kikilalanin na ng POC ang PVF
MANILA, Philippines — Optimistiko ang pamunuan ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na makukuha nito ang panig ng bagong administrasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa pangunguna ni POC president Bambol Tolentino.
Nilinaw ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada na sila ang bukod-tanging national sports association na kinikilala ng International Volleyball Federation (FIVB).
“Isang sulat lang ni dating POC president Peping Cojuangco ang sumira sa PVF sa International Federation. Walang direktang desisyon ang FIVB hinggil dito kung kaya’t ang magiging pahayag ni Cong. Tolentino ang makapagbibigay katuturan sa aming pinaglalaban sa FIVB,” ani Cantada.
Ayon kay Cantada, provisional membership lamang ng FIVB ang pinanghahawakan ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) dahil ang PVF pa rin ang opisyal na miyembro ng world-governing body ng volleyball.
“The Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) has, absolutely, no legal personality with its “provisional membership” in the FIVB,” ani Cantada.
Nakatakdang magtungo ang ilang opisyal ng FIVB sa Pilipinas sa Pebrero para busisiin ang gulo sa volleyball sa Pilipinas.
Ikinatuwa naman ng PVF ang aksiyon ng FIVB at handa itong humarap sa mga kinatawan ng international federation para ipaliwanag ang isyu.
- Latest