PLDT sososyo sa liderato
MANILA, Philippines — Target ng PLDT Home Fibr ang ikalawang sunod na panalo para makasosyo sa liderato ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Sasagupain ng High Speed Hitters ang Galeries Tower Highrisers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng ZUS Coffee Thunderbelles at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humataw ang PLDT ng 25-15, 25-17, 22-25, 25-22 panalo sa Nxled tampok ang 19 points ni Fil-Canadian Savi Davison na galing sa left knee injury.
“We all kind of have a chip on our shoulder to come back, but regardless of what happened last conference, I think we’re just working hard to enter that podium spot, and that’s our main goal moving forward,” ani Davison na hindi nakalaro sa nakaraang PVL Reinforced Conference.
Nagmula naman ang Galeries Tower sa 30-28, 15-25, 16-25, 23-25 pagkatalo sa Akari.
Bukod kay Davison, muling sasandalan ng High Speed Hitters sina Erika Santos, Dell Palomata, Fiola Ceballos at rookie setter Angge Alcantara.
Itatapat ng Highrisers sina rookies Julia Coronel at Jewel Encarnacion katuwang sina Ysa Jimenez at France Ronquillo.
Sa unang laro, mag-uunahan ang Thunderbelles at Chameleons na makabangon sa una nilang kabiguan sa torneo.
Nakatikim ang ZUS Coffee ng 14-25, 21-25, 23-25 talo sa Akari kung saan naglista si No. 1 overall pick Thea Gagate ng 13 points habang may walong marka si Jovelyn Gonzaga.
Nagmula rin sa pagkatalo ang Nxled nang matisod sa PLDT, 15-25, 17-25, 25-22, 22-25, tampok ang PVL coaching debut ni Italian Ettore Guidetti.
- Latest