Saints humirit ng do-or-die

MANILA, Philippines — Pinigilan ng BRT Sumisip Basilan-St. Clare College ang selebrasyon ng Marinerong Pilipino matapos ibaon ang 74-60 desisyon upang maipuwersa ang rubber match sa PBA D-League Foundation Cup finals kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kumuha ng lakas ang Saints kay Jesse Collado na bumanat ng 20 puntos mula sa impresibong 8-of-11 shooting kasama pa ang anim na rebounds para manatiling buhay ang kanilang tropa sa serye.
Hindi ininda ni Collado ang hamstring injury upang banderahan ang Saints sa paghatak ng 1-1 pagtatabla sa best-of-three championship showdown.
“He (Collado) is not feeling well that’s why his game was on and off. But that’s the challenge for him. He wants to win a championship in the D-League,” ani BRT Sumisip-St. Clare veteran coach Stevenson Tiu.
Nakabawi ang Saints sa 59-69 kabiguan nito sa Skippers sa Game 1 ng serye noong nakaraang linggo.
“Obviously, we showed more energy this time,” ani Tiu.
Naasahan din ng Saints si guard Joshua Fontanilla na umiskor ng 14 puntos at limang assists habang naglista naman si Malian big man Mohammed Pare ng double-double na 12 points at 10 boards.
Nagparamdam din si Japs Bautista na bumira ng 11 puntos.
Nanguna para sa Skippers si Byron Villarias na nagsumite ng 11 puntos.
Tanging si Villarias lamang ang nakakuha ng double figures matapos malimitahan si Conference MVP Eloy Poligrates sa dalawang puntos.
Hindi nakatulong ang pormal na paggawad ng MVP trophy kay Poligrates bago magsimula ang laro.
Lalaruin ang Game 3 sa Lunes sa Paco Arena sa Maynila.
- Latest
















