Bataan diretso sa 10; Parañaque wagi rin
MANILA, Philippines — Inilampaso ng Bataan Risers ang Bulacan Kuyas, 63-49 habang nagwagi naman ang Parañaque Patriots kontra sa Rizal Crusaders, 59-47 sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Martes ng gabi sa Bataans People’s Center sa Balanga, Bataan.
Nag-ambag ng 24 puntos sina Pamboy Raymundo at John Villarias para palawakin ang winning streak ng Bataan sa sampu at manatili sa liderato sa Northern Division sa 10-1 win-loss kartada.
Ang tanging talo pa lamang ng tropa ni coach Jolas Lastimosa ay sa Manila Stars, 82-89 noong Hunyo 16.
Dahil sa talo, nalaglag naman ang Bulacan sa solo pang-apat na puwesto sa Northern group sa 8-4 card.
Masaya si coach Lastimosa sa ikatlong home win ng Risers at ang kanilang 10-game streak ang pinakamahaba sa 26-team tournament.
Sa kanilang mahigpit na depensa, nalimitahan ng Risers ang Bulacan sa mababang 28 percent shooting sa field goal kung saan tanging si Hans Thiele lamang ang gumawa ng double digits para sa Kuyas ni coach Britt Reroma.
Umani si Villarias ng 13 puntos, sampung rebounds, tatlong assists at tatlong steals habang si Raymundo ay tumulong ng 11 puntos, anim na rebounds, tatlong assists at walong puntos naman kay Gary David na may kasamang apat na rebounds at isang assists para sa Bataan.
Sa iba pang laro, umiskor si Mac Montilla ng 12 puntos, apat na rebounds, anim na assists at isang steal habang walong puntos naman kay Jestoni Loyola para iangat ang Parañaque sa solo fourth spot sa kanilang 7-6 record sa Southern Division.
Ang Rizal ni coach Braulio Lim Jr. ay nanatili sa 12th spot sa 2-9 card sa South division.
- Latest