Nayre pinagbakasyon na ni Jha

BUENOS AIRES — Nagtapos na ang kampanya ni table tennis bet Jann Mari Nayre sa 2018 Youth Olympic Games.
Ito ay makaraang matalo si Nayre kay 2016 Rio de Janeiro Olympian Kanak Jha ng United States, 13-11, 11-8, 15-13, 11-8 kahapon sa Table Tennis Arena of the Technopolis dito.
Bagama't nawalis ni Jha ay hindi naman basta-basta sumuko ang 18-anyos na si Nayre sa final match ng Pinoy pride sa Group B ng men’s singles preliminaries.
“Maganda ang nilaro ko kanina pero talagang magaling ang kalaban (Jha),’’ wika ni Nayre, ang unang Filipino table netter na nag-qualify sa Youth Olympics.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ni Nayre matapos ipanalo ang kanyang opening game kontra kay No. 27 Nicolas Burgos ng Chile.
Dahil dito ay nabigo ang tubong Baybay, Leyte na umabante sa round of 16.
Matapos manalo kay Burgos ay yumukod naman si Nayre kay Maciej Kolodziejczyk ng Austria via four sets noong Linggo.
“Crucial talaga ang laban ko against Austria. This is a learning experience para sa akin,’’ ani Nayre, umabante sa quarterfinals ng Southeast Asian Games noong 2017 sa Kuala Lumpur at sa round of 32 sa katatapos na 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Pinapurihan naman si Korean coach Kwon Mi Sook, naging mentor ng namayapang si Ian Lariba noong 2016 Rio De Janeiro Games, sa pagtulong kay Nayre na makapaglaro sa YOG.
Sinabi ni chef de mission at Philippine Olympic Committee auditor Jonne Go na bumunot ng pera sa kanyang sariling bulsa si Mi Sook para sa training ni Nayre.
Samantala, nakapasok si Filipino-Norwegian Christian Tio sa top six mula sa 12 entries sa first round ng kiteboarding competitions.
Nabigo naman si swimmer Nicole Oliva na makasama sa finals ng women’s 100-meter freestyle event matapos mahulog sa No. 6 sa kanyang bilis na 57.33 segundo sa heats.
Muling lalangoy si Oliva, nakabase sa Sta. Clara, California, sa heats ng 800m free ngayon habang hahataw sina golfers Yuka Saso at Carl Jano Corpus sa Hurlingham Club at si fencer Lawrence Everett Tan sa men’s foil event.
- Latest



















