Abarrientos wagi sa Shootout Contest ng FIBA 3x3
MANILA, Philippines — Hindi uuwing luhaan ang Philippine team mula sa kanilang paglahok sa 2018 FIBA 3x3 Under-23 World Cup sa Xi'an, China.
Pinagharian ni RJ Abarrientos ang Shootout Contest matapos ungusan si Aleksandr Antonikovskii ng Russia sa final round.
Parehong tumapos si Abarrientos, pamangkin ng PBA legend na si Johnny, at Antonikovskii na may 9 points, ngunit anim na segundong mas mabilis ang Filipino guard kumpara sa Russian.
Ito ang unang pagkakataon na isang male player ang nanalo sa mixed shootout contest.
Noong Hunyo ay nagreyna naman si Janine Pontejos ng national women’s squad sa Shootout Contest ng FIBA 3x3 World Cup na ginanap sa Philippine Arena.
Nabigo ang Pinoy cagers na makaabante sa quarterfinals matapos magtala ng 2-2 kartada.
Bukod kay Abarrientos, ang iba pang miyembro ng national team na tumapos sa No. 9 ay sina Ricci Rivero, Rhayyan Amsali at Jeepy Faundo.
- Latest