Bakers dumikit sa semis
MANILA, Philippines - Umiskor ng 29 puntos si Rod Ebondo para iangat ang Cafe France kontra sa AMA Online Education, 92-83 kahapon sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup na ginanap sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Bukod sa double digits scoring, humataw pa si Ebondo ng 18 rebounds at anim na block shots habang si Paul Desiderio ay umani rin ng 14 puntos para sa ika-anim na panalo ng Cafe France at lumapit sa top two spots ng standing.
Pagkaraang maiwanan, umarangkada ang Cafe France ng 8-2 rally upang bawiin ang kalamangan at hindi na nila binitiwan hanggang sa pagtunog ng buzzer at palawakin sa lima ang kanilang winning streak.
“Ang maganda rito, nasa kamay pa namin yung aming destiny. We have to win our remaining games to hopefully land a spot in the top two,” sabi ni coach Egay Macaraya.
Pinangunahan ni Juami Tiongson ang Titans sa kanyang 23 puntos at anim na rebounds habang si Jeron Teng ay pumalo ng 22 na may kasamang nine boards at anim na assists. Tinapos ng Titans ang kanilang kampanya sa 5-4 kartada.
Kahit pa natalo, pumasok pa rin ang AMA sa quarterfinal round dahil sa panalo naman ng Tanduay laban sa Batangas, 86-66 sa unang laro.
Tumipak si Mark Cruz ng 29 puntos, tatlong assists at dalawang rebounds habang si Jerwin Gaco ay tumulong ng 22, 11 rebounds at tatlong assists upang masungkit ang ika-apat na panalo ng Tanduay sa pitong laban at ibagsak ang Batangas sa 3-5 win-loss record.
“The whole country knows Jerwin Gaco, his experience and his tenacity. Baka marami pang natitira sa tangke niya at maging hulog ng langit s’ya sa amin,” sabi naman ni coach Lawrence Chongson tungkol kay Gaco na galing sa Star Hotshots.
Bunga ng magandang laro nina Cruz at Gaco umabot pa sa 22 puntos ang kanilang kalamangan, 86-64 ilang minuto na lang ang natitira sa laro.
- Latest