IEM nagpakatatag sa No. 2 sa Spikers’ Turf Bali Pure ipinagpag ang Iriga
MANILA, Philippines – Nakabangon ang Bali Pure sa masamang panimula upang hatakin ang 18-25, 25-18, 25-13, 25-21 panalo laban sa Iriga kahapon sa Shakey’s V-League Season 13-Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Hindi man nakapaglaro ang top players nito, nagawa pa ring makalusot ng Water Defenders nang banderahan ni two-time NCAA MVP Grethcel Soltones ang opensa ng koponan matapos pumalo ng 22 puntos - 18 galing sa attack line at apat naman sa service area.
“Kulang kami sa players kaya ginawa lang namin ang lahat. Kailangan naming mag-step up para mapunan yung nawala and we’re happy na nagawa naman namin ang mga sinasabi ni coach (Ato Toyco) sa amin,” ani Soltones patungkol kina Jem Ferrer, Charo Soriano, Bea Tan at Ella De Jesus na hindi nakapaglaro.
Nagpapahinga pa rin si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na galing sa ilang linggong tour sa Europa.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Water Defenders para mapaganda ang kanilang marka sa 2-1 rekord para sa solong ikatlong puwesto.
Sa Spikers’ Turf, nailista ng Instituto Estetico Manila ang ikalawang sunod na panalo matapos pigilan ang Sta. Elena Construction, 18-25, 25-23, 25-17, 29-27.
Napatatag ng IEM ang kapit nito sa solong ikalawang puwesto hawak ang malinis na 2-0 kartada sa ilalim ng nangungunang Cignal na markado ng 3-0 rekord.
- Latest