Macaraya bagong coach ng Stags
MANILA, Philippines – Nabigo ang San Sebastian College sa ilalim ni coach Rodney Santos na makapasok sa Finals ng nakaraang 91st NCAA season.
Sa kanilang paghugot kay alumnus Egay Macaraya bilang kapalit ni Santos ay umaasa ang Stags na magbabago ang kanilang kapalaran para sa darating na NCAA season.
Si Macaraya ang magiging pangatlong coach ng Stags sa huling dalawang taon matapos sina Santos at Topex Robinson.
Naniniwala ang San Sebastian na malaki ang maitutulong ni Macaraya sa kampanya ng Stags makaraang matulungan ang CEU sa limang korona ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) at ang Cafe France sa paghahari sa PBA D-League noong 2015.
“Of course, I want to win a championship with San Sebastian,” wika ni Macaraya.
Makakatuwang ni Macaraya sa bench ng Stags si dating San Sebastian star guard Eugene Quilban bilang isa sa kanyang mga assistants.
Nakatikim si Macaraya ng NCAA title bilang player ng Stags noong 1985 at naging bahagi naman si Quilban ng back-to-back championships noong 1988 at 1989.
- Latest