Warriors dumiretso sa 22-0 start; Westbrook, Durant nagpanalo sa OKC
NEW YORK — Ang unang laro ng Golden State Warriors kontra sa Brooklyn Nets ay naging makapigil-hininga.
Ito rin ang tila mangyayari sa kanilang rematch.
Ngunit mula sa kanyang matinding paglalaro ay binago ito ni Stephen Curry.
Nagpasabog si Curry ng 16 sa kanyang 28 points sa third quarter at idiniretso ng Warriors ang kanilang NBA-record start sa 22-0 matapos talunin ang Nets 114-98.
Nanggaling sa magkakasunod na 40-point games, naging matamlay ang opensa ni Curry kung saan naimintis niya ang unang tatlong free throws.
Ngunit sa isang iglap ay natulungan niya ang Golden State na muling makontrol ang laro laban sa Brooklyn na muntik nang tumalo sa kanila ngayong season.
“Just trying to see if I could get some room and figure out a way to impact the game, and things started to click,” sabi ni Curry.
Umiskor si Curry ng 11 points at nagbigay ng lob pass para sa slam dunk ni Festus Ezeli sa pinakawalang 15-4 atake sa pagtiklop ng third period.
“That’s what great players can do. Plus, he has a great team,” wika ni Nets coach Lionel Hollins kay Curry. “He doesn’t have to go out there and do it all the time. Last night he had 44. Two nights ago when they were in Charlotte he had 43. When he needs to he can and when he doesn’t need to he takes a backseat to those guys.”
Nagtala naman si Draymond Green ng 22 points, 9 rebounds at 7 assists para sa Warriors, habang umiskor si Klay Thompson ng 21 markers.
Kinuha ng Nets ang 75-70 abante sa 3:10 minuto sa third quarter hanggang agawin ng Warriors ang 96-85 bentahe sa fourth period.
Naglista si Thaddeus Young ng 25 points at 14 rebounds at tumipa si Brook Lopez ng 18 markers sa panig ng Brooklyn.
Sa Oklahoma City, inirehistro ni Russell Westbrook ang kanyang ikatlong triple-double sa season sa kanyang 19 points, 10 assists at 11 rebounds para tulungan ang Thunder sa 98-95 panalo laban sa Sacramento Kings.
Nagtala si Kevin Durant ng 10 turnovers ngunit isinalpak ang mahalagang go-ahead jumper sa huling 23 segundo at ang dalawang free throws sa natitirang 4.4 segundo para igiya ang Thunder sa ikaapat na sunod na panalo sa kanilang balwarte.
Nagsumite naman si NBA assists leader Rajon Rondo ng 10 assists at 7 points sa panig ng Kings, habang kumabig si Rudy Gay ng 20 points.
Sa Washington, umiskor si Wesley Matthews ng 28 sa kanyang season-high na 36 points sa second half para ihatid ang Dallas Mavericks sa 116-104 panalo sa Wizards.
Nagsalpak si Matthews ng 10 3-pointers kung saan ang walo rito ay kanyang naipasok sa second half.
Sa Auburn Hills, kumamada si Kentavious Caldwell-Pope ng 22 points at humakot si Andre Drummond ng 18 points at 15 rebounds para sa 111-91 panalo ng Detroit Pistons kontra sa Los Angeles Lakers ni Kobe Bryant.
Tumapos si Bryant na may 5 points mula sa 2-of-15 fieldgoal shooting.
- Latest