Gilas winalis ang 2nd round ng FIBA Asia
MANILA, Philippines – Hindi na nga mapigilan pa ang Gilas Pilipinas matapos walisin ang second round ng FIBA Asia Championship sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Tuluyan nang pumasok sa quarterfinals ang Gilas matapos lampasuhin ang India, 99-63, at kunin din ang top spot ng Group E.
Ito na ang ikalimang sunod na panalo ng Pilipinas matapos pahiyain ng Palestine (73-75) noong unang salang nila sa liga.
Hawak ngayon ng Gilas ang 4-1 win-loss record at makakaharap ang mananalo sa pagitan ng Jordan at Lebanon.
Magiging delikado ang susunod na round para sa lahat ng koponan dahil knockout stage ito, ang matatalo ay malalaglag na agad sa torneo.
Tinrangkuhan ni Terrence Romeo ang Gilas sa 20 points, habang umayuda si Andray Blatche at Ranidel De Ocampo ng 15 at 13 markers bawat isa.
Naging dikit ang first half ng laban na nagtapos sa, 42-36, bago umalagwa sa ikatlong quarter dahil sa mas mahigpit na depensa upang pumwersa ng 22 turnovers at makakuha ng 15 steals.
Samantala, kahit natalo ay pasok pa rin sa susunod na round ang India.
- Latest