Torres, Unso hindi nahagip ang ginto sa Singapore Open
MANILA, Philippines - Nabigo sina dating SEA Games women’s long jump queen Marestella Torres at Patrick Unso na bigyan ng ginto ang Pilipinas nang pumangalawa lamang sa kanilang mga paboritong events sa pagbubukas kahapon ng 77th Singapore Open Track and Field Championships sa Singapore Sports Hub.
Si Torres na nagbabalak na ibalik ang sarili sa itaas matapos mamahinga noong 2013 Myanmar SEA Games ay natalo kay Maria Natalia Londa ng Indonesia nang ang pinakamalayong talon ay nasukat sa 6.42-metro lamang sa ikaapat na attempt.
Ito ang ikalawang kompetisyon ni Torres sa taon at nakagawa siya ng 6.47m nang manalo ng ginto sa Philippine Open noong Marso na ginawa sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Pero kahit napantayan niya ang lundag ay talo pa rin siya kay Londa na may 6.50m best leap sa kanyang fifth attempt.
Isa pang lahok ng PATAFA na si Katherine Khay Santos ang kumuha sa bronze medal sa 6.40m lundag.
Naubos naman si Unso sa huling yugto sa 110-m hurdles at natalo kay Mat Hassan Mohd Ajmal Aiman ng Malaysia.
Si Unso na tinalo sa heat ni Mohd ay may 14.37 segundo tiyempo na mabagal ng walong milliseconds sa oras ng Malaysian runner (14.29). (ATan)
- Latest





















