3 titulo nakataya sa laban
MANILA, Philippines – Tunay na kikilalanin bilang hari sa welterweight division ang magwawagi sa pagitan nina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at pound-for-pound king Floyd Mayweather Jr.
Ito ay dahil sa nakataya sa labang gagawin sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas ang kanilang mga titulo sa welterweight division.
Ang 36-anyos na si Pacman ay kampeon sa WBO habang si Mayweather na ipagdiriwang ang kanyang ika-38th kaarawan sa Pebrero 24, ay hari naman sa WBC at WBA World division.
Taong 2009 nang si Pacquiao ay umakyat sa 147-pound division at nakuha niya ang WBO title nang hiritan ng 12th round TKO panalo si Miguel Cotto.
Tumuntong pa si Pacman sa super welterweight division at tinalo si Antonio Margarito para sa bakanteng WBC belt noong Nobyembre 13, 2010 bago bumaba uli at nanatili na sa welterweight.
Huling laban ng Kongresista ng Sarangani Province ay kontra kay Chris Algieri na ginawa sa catch weight na 144 pounds dahil umakyat mula sa light welterweight ang katunggali.
Nakita ang lakas ni Pacquiao dahil anim na beses na tumumba ang dating walang talong si Algieri tungo sa unanimous decision.
Sa kabilang banda, si Mayweather ay hindi pa natatalo sa loob ng 47 laban at unang naghari sa welterweight noong 2006 nang talunin si Zab Judah sa pamamagitan ng unanimous decision.
Mula rito ay pinagpalitan ni Mayweather ang pagdodomina sa welterweight at super welterweight na kung saan siya rin ay kampeon sa WBC at WBA.
Sina Ricky Hatton, Victor Ortiz, Robert Guerrero at Marcos Maidana ang mga dinaig ni Mayweather sa welterweight habang sina Oscar De La Hoya, Cotto at Canelo Saul Alvarez ang mga hiniya nito sa mas mabigat na super welterweight division.
Kung ang mga ito ang pagbabasehan, maliliyamado si Mayweather.
Ngunit kilala si Pacquiao na lumalabas ang angking galing kapag nadedehado at ang hangaring bigyan uli ng karangalan ang bansa ang magtutulak sa kanya para ibuhos ang sarili sa tiyak na mas matinding pagsasanay kay trainer Freddie Roach.
Bago pa man ang pormal na pag-anunsyo sa labang ito ay sinabi na ni Roach na pinapanood niya ang huling mga laban ni Mayweather at pinag-aaralan din ang mga kinukuhang sparmates para masilip kung saan bubutasan ito.
“I think my guy can pull it off, but it won’t be easy. I have to come up with a perfect game plan for this one,” ani Roach.
- Latest