Malaking banta kina Lapaza at Galedo, dominado ni Oranza ang Luzon
ANTIPOLO CITY, Philippines – Ipinagpatuloy ni Ronald Oranza ang kanyang dominasyon sa Luzon qualifying leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC.
Pinagharian ng 22-anyos na si Oranza ang 102.7-kilometer Stage Two sa bilis na 2 oras 34 minuto at 41 segundo para kumpletuhin ang pagwalis sa Luzon phase at magbigay ng babala sa mga paboritong sina Reimon Lapaza at Mark Galedo.
Nauna nang hinakot ni Oranza ang King of the Mountain at Sprint King honors ng Luzon qualifying sa kanyang panalo sa Stage One sa Tarlac City noong Linggo
Dahil dito, hinirang si Oranza, ang national team mainstay at kasapi ngayon ng Navy-Standard Insurance, bilang overall champion ng Luzon sa kanyang aggregate time na 6:06.42.
Tinalo ng tubong Villasis, Pangasinan ang mga kakamping sina Jan Paul Morales at Santy Barnachea, ang 2011 inaugural Ronda champion.
Nagtala si Morales, ang silver medal winner sa nakaraang Asian Cycling Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand, ng tiyempong 6:07.22, habang nagposte si Barnachea ng 6:07.58.
Lalahok si Oranza sa Championship round sa Feb. 22-27 na magsisimula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio kung saan niya makakatapat sina Lapaza, ang 2014 winner, at Galedo, ang 2012 titlist.
Sa kanyang mga panalo sa Luzon leg, ibinulsa ni Oranza ang premyong P123,000 kung saan ang P50,000 ay para sa Luzon leg, ang P50,000 ay sa paghahari sa Stages One at Two, ang P20,000 ay para sa pagiging KOM at sprint winner at dagdag na P3,000 sa kanyang panalo sa intermediate sprint.
Premyong P1 milyon ang nakataya para sa Ronda Championship round.
Makakasama sina Oranza, Morales at Barnachea sa higit pang 30 riders na makakasabayan nina Boost Ryan Cayubit, naghari sa Visayas qualifiers, Lapaza, Galedo at isang composite European team sa main event.
- Latest