8 nominado para sa Gilas coach, pasok sa criteria
MANILA, Philippines - May walong personalidad ang inaasahang mapapabilang sa ‘short list’ ng mga kandidato para sa Gilas head coaching job.
Ito ay dahil ang walong posibleng nominado ay pasok sa kriterya na inaasahang aaprubahan ni SBP president Manny V. Pangilinan anumang araw.
Ang mga maaaring maging kandidato ay sina Eric Altamirano, Tab Baldwin, Norman Black, Tim Cone, Yeng Guiao, Robert Jaworski, Franz Pumaren at Joseph Uichico.
Hindi ibinunyag ng Committee kung ano ang nilalaman ng kriterya ngunit ang pagkakaroon ng isang nominado ng international experience ang prayoridad.
Ang kriterya ay isinumite kay Pangilinan isang araw matapos magpulong ang Selection Committee na binubuo nina SBP vice chairman Ricky Vargas, PBA chairman Patrick Gregorio, PBA vice chairman Robert Non, PBA commissioner Chito Salud at SBP executive director Sonny Barrios sa loob ng 2 1/2 oras noong Martes sa Quezon City restaurant.
Ang walo ay parehong may mga eksperyensa sa national team.
Ang 48-anyos na si Altamirano ang naghatid sa NU sa UAAP senior men’s title ngayong taon at may dalawang PBA crowns.
Pinamunuan niya ang national team sa FIBA Asia U16 Championships sa Malaysia noong 2009.
Dinala naman ng 56-anyos na si Baldwin ang New Zealand sa FIBA World Cup semis noong 2002 at ang Jordan sa second place sa FIBA Asia Championships noong 2011.
Ang 57-anyos na si Black, isang PBA Grand Slam champion coach, ang namahala sa Philippine team sa 1994 Hiroshima Asian Games, habang ang 56-anyos na si Cone, isang two-time PBA Grand Slam champion coach, ang naghatid sa Philippines sa Jones Cup title noong 1998 at sa bronze medal noong 1998 Bangkok Asian Games.
Ang 55-anyos na si Guiao, may anim na PBA titles, ang mentor ng Phl team sa FIBA Asia Championships noong 2009.
Tinulungan naman ng 68-anyos na si Jaworski ang bansa sa pag-angkin sa silver medal sa 1990 Beijing Asian Games.
Ang 50-anyos na si Pumaren, isang multi-titled UAAP champion coach sa La Salle, ang naging bench tactician ng bansa sa FIBA Asia U18 Championships sa Iran noong 2008 at ang 52-anyos na si Uichico ang gumiya sa koponan sa fourth place sa 2002 Busan Asian Games.
Ayon sa source, ang susunod na hakbang ng komite ay ang pagtatala ng listahan ng mga coaching candidates base sa kriterya na aaprubahan ni Pangilinan.
Hindi tinalakay ng Selection Committee kung magkakaroon ng bagong pool ng mga Gilas players.
Lalahukan ng SBP sa susunod na taon ang FIBA Asia Championships sa China sa Agosto kung saan ang mananalo ang kakatawan sa Asia sa 12-team basketball event ng 2016 Rio de Janeiro Olympics.
- Latest