PATAFA election ipinagpaliban
MANILA, Philippines - Hindi sa taong ito isasagawa ang halalan sa PATAFA base sa aaprubahang Contitution at By-Laws ng mga kasaping miyembro.
Sa panayam kay PATAFA president Philip Ella Juico, kanyang sinabi na sa Nobyembre isasagawa ang General Assembly meeting para pagbotohan ang mga bagong nakasaad sa kanilang Konstitusyon na nais ipasok ng POC para maayos ang liderato ng samahan.
“Darating ang mga regional directors at iba pang stake holders para pagpulungan itong mga ginawang amendments. Pagkatapos nito ay ibabalik namin sa POC at kung ayos na ang lahat ay magkakaroon uli ng election base sa bagong Constitution next year,” wika ni Juico.
Hindi naman nakikita ng dating PSC chairman na magiging problema ito sa POC dahil ilang buwan lamang ang itatagal para sa bagong halalan.
Matatandaan na naupo si Juico kahalili ni Go Teng Kok sa isang hahalan na ginawa noong Hulyo pero hindi pa siya opisyal na kinikilala ng POC dahil hindi pa ayos ang kanilang Konstitusyon.
Samantala, inihayag din ni Juico na hindi na rin matutuloy ang National Open sa Nobyembre sa Pangasinan dahil makakasabay nito ang ASEAN Schools sa Marikina Sports Complex.
Sa unang quarter ng 2015 na lamang balak na ituloy ang kompetisyon na gagawin pa rin sa Pangasinan. (AT)
- Latest