EDSA rehab, sisimulan matapos ang tag-ulan
MANILA, Philippines — Ikinukonsidera ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagkatapos na lamang ng tag-ulan isagawa ang rehabilitasyon ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Nakatakda sanang simulan ang EDSA rehab ngayong araw, Hunyo 13, ngunit ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ipagpaliban ito ng isang buwan upang mas makapag-isip pa ang DPWH ng paraan upang mapabilis ang konstruksiyon nito at mabawasan ang hirap na mararanasan ng mga motorista.
Ngunit ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, hindi pa nila naisasapinal ang postponement ng rehabilitasyon ng EDSA.
Kabilang anila sa ikinukonsidera nila ay ang panahon ng tag-ulan, gayundin ang nalalapit na pagdaraos ng ASEAN at Christmas Season. Tinitingnan din aniya nila kung maaari nilang simulan ang rehab sa ilang bahagi ng EDSA na nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.
Nasa proseso rin aniya sila ng pagte-testing sa proseso ng ilang concrete mixes, gaya ng quick drying cement, na magpapabilis sa proyekto sa mas murang halaga.
Kumpiyansa rin naman si Bonoan na bago matapos ang isang buwang taning na ibinigay ng pangulo ay makapagpiprisinta na sila rito ng bagong solusyon.
- Latest