Kiwis winalis ng Alas Pilipinas sa AVC

MANILA, Philippines — Pumalo sina Eya Laure at Vanie Gandler ng tig-12 points para banderahan ang World No. 47 Alas Pilipinas sa 25-17, 25-21, 25-18 demolisyon sa No. 29 New Zealand sa 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup kahapon sa Hanoi, Vietnam.
Nagdagdag si Alyssa Solomon ng 11 markers at nakatuwang sa depensa sina middle blockers Dell Palomata, Fifi Sharma at Cla Loresco.
Ipinahinga ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito sina Angel Canino at Shaina Nitura, habang limitado ang inilaro ni Bella Belen.
Ang panalo ng mga Pinay spikers, nagmula sa five-set loss sa Iran noong Lunes, ang bumuhay sa kanilang pag-asa sa semifinal berth.
Nangunguna ang Kazakhstan sa Pool B sa kanilang 4-0 kartada sa itaas ng Alas Pilipinas (3-1), Iran (3-1), New Zealand (1-3), Indonesia (0-3) at Mongolia (0-3).
Nasa Pool A ang nagdedepensang Vietnam (2-0), Chinese-Taipei (2-1), Hong Kong (2-2), Australia (1-2) at India (0-2).
Ang top two teams mula sa Pool A at B ang papasok sa semis at ang mananalo ang sisikwat ng tiket para sa 2026 Asian Women’s Volleyball Championship.
- Latest