NU pasok sa UAAP Finals makalipas ang 44 taon
MANILA, Philippines – Higit apat na dekada ang hinintay ng National University bago makabalik sa Finals ng UAAP matapos patumbahin ang top team Ateneo de Manila University, 65-63, sa Araneta Coliseum.
Isang crucial na block ni Alfred Aroga kay season MVP Kiefer Ravena ang naging susi ng Bulldogs upang makatawid sa Finals makalipas ang 44 taon.
“We knew where they were going so we were able to stop it,” wika ni NU head coach Eric Altamirano.
“I thank Alfred and his defense for bailing us out.”
Hindi maipapanalo ng NU ang laban kung hindi sa limang puntos ni Gelo Alolino, kabilang ang crucial na three points at dalawang freethrow, upang iangat ang kanilang koponan mula sa pagkakalubog ng tatlong puntos, 60-63.
Tumapos si Aroga na may double-double performance na 14 markers at 12 boards, habang bumakas sina Alolino at Glen Khobuntin ng 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Mula noong nakaraang taon ay anim na laro, apat ngayong season 77, na ang naipanalo ng NU sa Ateneo.
Hindi ininda ng fourth seed na NU ang twice-to-beat advantage ng Blue Eagles upang makabalik sa inaasam-asam na Finals na nadulas sa kanilang kamay nitong nakaraang taon.
Tangka ngayon ng Bulldogs na makuha ang titulo na naging mailap sa kanila mula nang huli nila itong mahawakan noong 1954.
Makakalaban ng NU ang mananalo sa do-or-die match sa pagitan ng Far Eastern University at De La Salle University.
- Latest