Herrera mahihirapan, Caluag kumpiyansa
LONDON—Alam ni Rene Herrera ng Team Philippines na isang suntok sa buwan ang mapa-sama siya sa 16-man finals ng 5,000-meter event sa 30th Olympic Games.
Kaya ang gusto na lamang ni Herrera na magkaroon ng Olympic experience.
‘’Alam naman natin sir na napakabigat ng field. Kaya takbo lang tayo at puntiryahin yung target time ko,’’ ani Herrera, tumitingin sa internet sa loob ng kanyang unit kagaya ni coach Joseph Sy.
Tatakbo Olympic Stadium ang 33-anyos na si Herrera sa men’s 5,000-meter race at tanggap na mahihirapan siyang manalo kontra sa mga malalakas niyang kalaban, ngunit alam niyang may matututunan siya.
Ang kanyang target na 14 minuto at 10 segundo sa 12-1/2-lap event ay mas mabilis sa kanyang career best na 14.51 para pagharian ang 2011 National Games sa Bacolod at mas maganda kesa sa kanyang 15.01 sa pagkopo sa silver medal sa Hong Kong inter-city meet noong Mayo.
Kahit mabilis pa ang kanyang naitalang oras ay malayo pa rin ito sa Olympic record na 12.57.84 ni Kenenisa Bekele ng Kenya sa 2008 Beijing Olympics.
Asam ni Bekele ang kanyang ikalawang sunod na gold medal ngunit hindi na siya masyadong paborito matapos matalo sa 10,000-meter race ni Great Britain bet Mohamed Farah noong Sabado.
“Mga favorite ko ang mga iyan (Beyeche at Farah), kaya masaya ako at baka makasama ko sila sa heat,’’ wika ni Herrera, isang five-time Southeast Asian Games steeplechase champion mula sa San Jose, Guimaras.
Ang plano ay sumunod lamang si Herrera sa mga kagaya nina Beyeche at Farah.
‘’Sunod sunod lang. Hindi puwedeng mauna baka maubos agad. Alam naman natin ang mga kalaban, lumalakas habang tumatagal. Sa gitna lang muna at bahala na sa mga huling laps,’’ wika ni Herrera.
Samantala, hangad naman ni Fil-Am BMX rider Danny Caluag na makuha ang kauna-unahang gold medal ng bansa sa
Olympics.
‘’I want to succeed. I want this whole thing to be a success,’’ sabi ni Caluag matapos panoorin ang kanyang 90-minute workout sa 440-meter track sa loob ng Olympic Park noong Lunes ng gabi sa Village kasama sina mechanic Stephanie Barrigan at coach Jason Richardson at ilang
kaibigan.
Makikipagkarera ang 25-anyos na si Caluag sa ganap na alas-3:40 ng hapon sa time trial run kasama ang 32 daredevils sa one-lap ride na magdedetermina sa kanilang mga puwesto sa susunod na yugto.
Nagustuhan ni Caluag ang naturang track.
‘’I feel as if I’m home right now. It has a little bit of everything I want,’’ ani Caluag, ang mga magulang na Pinoy ay nanirahan sa United States bago siya ipanganak. ‘’I enjoyed practicing at the track. It’s really good.’’
- Latest
- Trending




















