Marquez mainit pa rin kay Manny Pacquiao
Manila, Philippines - Bago labanan ang ibang world champions ay mas pipiliin pa ring sagupain ni Mexican Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao.
Sinabi kahapon ni Marquez na may interes siyang hamunin sina WBO welterweight titlist Timothy Bradley, Jr., IBF light welterweight king Lamont Peterson at WBC at WBA ruler Danny Garcia.
Ngunit mas gusto pa rin niyang harapin si Pacquiao sa pang apat na pagkakataon.
“What I want is the best. Bradley does interest me but I would first prefer to settle my outstanding accounts with Pacquiao and then I would face Bradley,” sabi ng 38-anyos na si Marquez.
Sa kanilang pangatlong paghaharap noong Nobyembre 12, 2011, tinalo ni Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) si Marquez (64-6-1, 39 KOs) via majority decision.
Ayon kay Marquez, kung hindi maitatakda ang kanilang ikaapat na salpukan ng 33-anyos na Filipino world eight-division champion ay lalabanan niya kahit sino kina Bradley (29-0-0, 12 KOs), Peterson (30-1-1, 15 KOs) at Garcia (24-0-0, 15 KOs).
Magtutungo naman si Bob Arum ng Top Rank Promotions sa Pilipinas sa susunod na buwan para kausapin si Pacquiao.
- Latest
- Trending