Gilas 2 may tiket na sa Fiba Asia Cup
MANILA, Philippines - Nagpasabog ng 28-8 palitan ang Gilas II sa second period kontra sa Malaysia para trangkuhan ang 85-50 panalo sa pangalawa sa huling laro kahapon sa SEABA Asia Cup sa Chiang Mai, Thailand.
Mula sa 15-8 kalamangan sa first period ay hinigpitan ng Nationals ang depensa upang lumayo sa 43-16 bentahe matapos ang 20 minutong paglalaro.
May 14 puntos si Garvo Lanete, si 6’10 center Marcus Douthit ay may double-double na 11 puntos at 10 rebounds habang ang siyam na iba pang ginamit ni coach Jong Uichico ay nagtala ng hindi bababa ng apat na puntos para sa ikatlong sunod na tagumpay ng nagdedepensang kampeon.
Sa pangyayari, ang Pilipinas ay nakatiyak na sa unang dalawang puwesto at makakalaro na sa FIBA Asia Cup sa Setyembre sa Tokyo, Japan.
Sa araw na ito matatapos ang bakbakan sa limang koponan at ang Pilipinas ay pinapaboran sa Thailand para makumpleto ang 5-0 sweep.
Angat ang Malaysia sa turnovers, 10-14, at turnover points, 17-12, pero dominado na ng Gilas II ang ibang departamento sa pangunguna ng rebounding, 48-27, tungo sa 36-24 inside points.
Napahirapan ang Malaysian team sa kanilang opensa nang walang ni-isang manlalaro nito ang gumawa ng double-digits.
- Latest
- Trending

















