Osang pinatibay tsansa ng UST sa quarters
MANILA, Philippines — Nagpasiklab si Peter Osang sa kanyang unang laro matapos tulungan ang University of Santo Tomas sa pagdiskaril sa University of the East, 97-70 sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Ipinasok ng Growling Tigers si Osang sa kanilang lineup sa unang pagkakataon ngayong season, habang hindi naman naglaro ang Season 88 Rookie of the Year at Elite Team member na si Collins Akowe.
Agad na nagbunga ang desisyong paglaruin si Osang dahil nakuha ng UST ang kanilang pinakamalaking panalo sa season, kung saan kinumpleto nila ang sweep laban sa Red Warriors.
Nagwagi ang UST sa UE, 98-87 sa first round.
Tumikada ang 6-foot-7 Nigerian big man na si Osang ng 19 points sa 7-of-10 shooting, 10 rebounds, limang blocks, at dalawang assists para akbayan ang UST sa paglista ng 6-6 karta at manatiling may tsansa sa asam na umusad sa susunod na phase.
Sa huling laro, tinuldukan ng Adamson University ang four-game losing streak matapos nilang ilipad ang 62-55 panalo kontra sa Ateneo de Manila University.
Dahil sa panalo ay nananatili ang tsansa ng Soaring Falcons na makapasok sa semifinals, tangan nila ang 5-7 karta at kasalo nila ang Blue Eagles sa No. 6 spot sa team standings.
- Latest


















