Salguero may misyon sa paghaharap nila ni Nietes
MANILA, Philippines - Ibabangon ni Felipe Salguero ang puri ng mga Mexicano sa tagisan nila ni WBO light flyweight champion Donnie Nietes sa Sabado sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.
Sa pulong pambalitaan na ginawa kahapon sa Bayview Park Hotel sa Manila, sinabi niyang patutulugin niya si Nietes sa kanilang main event ng paboksing na inorganisa ng ALA Promotions at ABS-CBN Sports.
“I’m going to beat him,” wika ng Mexican challen-ger sa pamamagitan ng interpreter.
May 29 panalo sa 33 laban si Nietes at ang huling nakalaban niya ay mga Mexican boxers na kinatampukan ni Ramon Garcia Hirales noong Oktubre na kanyang tinalo sa pamamagitan ng unanimous decision para agawin din ang WBO title.
“It was a doubtful decision,” wika ni Salguero na tila pagmamaliit sa bangis ni Nietes. Hindi naman tanggap ni Nietes ang tila pang-iinsulto ng kalaban at ipinangakong maipapakita ang pinakamabangis na laban sa gabi ng bakbakan.
“Malaki na ang ipinag-iba ng laro ko ngayon at iba na ako kumpara sa huling laban ko. Handa rin ako sa kahit anong laban ang ipakikita niya. Kahit umabot pa ng 12 rounds ay handa ako,” wika ni Nietes.
Ang iba pang bakbakan na mapapanood muna bago ang title fight ay sa pagitan nina Milan Melindo at Colombian Jesus Geles para sa WBO international flyweight title ng Filipino champion at Genesis Servania at Genaro Garcia ng Mexico para sa WBC international silver super bantamweight title.
- Latest
- Trending