Quarterfinals target ng PLDT

MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni Fil-Canadian Savi Davison ay lalong lumakas ang tsansa ng PLDT na makopo ang isa sa dalawang outright quarterfinal berth sa Pool A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.
Magbabaklasan ang magkatabla sa lideratong High Speed Hitters at Nxled Chameleons ngayong alas-4 ng hapon sa USJ-R Coliseum sa Cebu City.
Sa alas-6:30 ng hapon ay pupuntiryahin ng Farm Fresh Foxies ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Galeries Tower Highrisers.
Magkasosyo sa liderato sa Pool A ang PLDT at Nxled sa pareho nilang 3-0 record kasunod ang Farm Fresh (2-1), Petro Gazz (1-3), Choco Mucho (1-3) at Galeries Tower (0-3).
Ang quarterfinalist Cignal ang nangunguna sa Pool B sa kanilang 4-1 baraha sa itaas ng Chery Tiggo (3-1), ZUS Coffee (2-2), Akari (2-3) at Capital1 Solar Energy (0-5).
Kasama si Davison, nagbakasyon sa Canada, sa mga ni-rescue ng Philippine Coast Guard at ng Philippine Army noong Lunes ng gabi makaraang ma-stranded sa SGS Gym sa Quezon City.
Kasama niya sina teammates Majoy Baron, Mika Reyes, Kim Fajardo, Jessey De Leon, Jovy Prado at Anne Esguerra.
“Siguro kailangan lang din namin magtiwala sa isa’t isa kasi ayaw naman namin mag-depend,” ani High Speed middle blocker Mika Reyes. “Kumbaga pero malaking tulong pag nandiyan si Savi, but then again, ayaw namin mag-depend sa kanya lang.”
Ang outright quarterfinal spot din ang target ng Chameleons na muling sasandal kina Chiara Permentilla, EJ Cariño, Jov Fernandez, setter Janel Maraguinot at rookie Lyann De Guzman.
“Inuumpisahan po talaga namin sa training lagi. Siguro hard work and then nag-pay off, kapag nanalo bonus po talaga sa amin,” ani Fernandez na nagmula sa HD Spikers.
- Latest



















