Jose may tsansa sa gold medal sa chess competition
PALEMBANG, Indonesia --- Nakasisiguro na si two-time national open women’s champion WFM Rulp Ylem Jose ng silver medal sa 26th Southeast Asian Games bagamat may isa pang laro.
Nakihati ng puntos ang dating Far Eastern University standout kontra kay Camilia Bt Johari ng Malaysia para sa kanyang 2.5 points matapos ang tatlong laro.
Kinakailangan pang talunin ni Jose si WIM Nguyen Thi Mai Hung ng Vietnam upang makaiwas na magkaroon ng pagtatabla para sa gold medal.
Nanaig naman si WGM Irine Kharisma Sukandar ng Indonesia kay Isawan Srijomtong ng Thailand.
Sina Thi Mai Hung at WGM Irine Kharisma Sukandar ng Indonesia ay kapwa nagtala ng magkaparehong 1.5 points.
Ngunit ang paboritong si GM Wesley So ay natalo kay GM Susanto Megaranto ng Indonesia sa men’s standard competition na nagpalabo sa tsansa ng bansa para sa gold medal.
Napataas ni Megaranto ang record sa 3.0 points, habang napako si So sa 2.0 points kagaya nina GM Cao Sang ng Vietnam at FM Kyaw Lin Naing ng Myanmar.
Sina GM Oliver Barbosa, GM Rogelio "Joey" Antonio Jr., WIM Catherine Perena at WFM Cherry Ann Mejia ay tuluyan nang nasibak sa men’s at womens rapid play na dinomina ng mga Vietnamese.
- Latest
- Trending