Creamline pasok sa siklab series finals

MANILA, Philippines — Tinakasan ng No. 2 Creamline ang sister team at No. 3 Choco Mucho, 21-25, 25-17, 25-17, 25-23, sa kanilang semifinals game papasok sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series Finals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hindi na nagamit ng Cool Smashers ang kanilang hawak na ‘twice-to-beat’ incentive kontra sa Flying Titans na tumalo sa kanila sa elimination, 23-25, 25-13, 25-23, 22-25, 15-13, noong Nobyembre 12.
Lalabanan ng Creamline sa finals sa Sabado ang mananalo sa ‘sudden death’ ng No. 1 Nxled at No. 4 Farm Fresh bukas.
Muling sinandigan ng Cool Smashers, hangad ang kanilang ika-11 PVL championship, sina Jema Galanza, Bernadeth Pons at Tots Carlos para resbakan ang Flying Titans.
Ang service ace ni Carlos sa fourth set ang sumelyo sa panalo ng Creamline sa Choco Mucho nina Sisi Rondina-Rosales at Eya Laure.
Sa unang laro, pumuwersa ng ‘winner-take-all’ game ang No. 4 Farm Fresh matapos resbakan ang No. 1 Nxled, 27-25, 21-25, 25-18, 19-25, 15-13, sa kanilang semifinals match.
Pumalo si Trisha Tubu ng 21 points para banderahan ang Foxies.
Pinamunuan ni Fil-Am Brooke Van Sickle ang Chameleons, may bitbit na ‘twice-to-beat advantage, sa kanyang triple-double na 25 points, 20 excellent digs at 12 receptions.
Nagdagdag si Myla Pablo ng 18 markers at may 12 si Jackie Acuña.
- Latest

















