Gilas ayaw pakampante vs Syria
MANILA, Philippines — Inaasahang ilalabas ng Gilas Pilipinas ang bagsik nito sa oras na makasagupa ang Syria sa Biyernes sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Seremban, Malaysia.
Walang balak ang Gilas Pilipinas na magpakampante lalo pa’t naghahabol ito ng importanteng panalo para mapalakas ang tsansang makapasok sa FIBA World Cup proper sa susunod na taon.
Nasa ilalim ng Group E ang Syria tangan ang 2-6 rekord.
Mahihirapan na ang Syria na makahabol sa mga nangungunang koponan.
Nasa unahan ang Australia na may 8-0 rekord kasunod ang New Zealand (6-2), Iran (5-3), Jordan (5-3) at Pilipinas (4-4).
Sa kabila nito, hindi naman basta-basta isusuko ng Syria ang lahat dahil inaasahang lalaban pa rin ito upang mapaangat ang kanilang standing.
Ipaparada ng Syria si D’Angelo Harrison bilang naturalized player nito.
Malalim ang karanasan ni Harrison na naglaro na sa mga basketball leagues sa Iran, Israel at Italy.
Huli itong nasilayan sa aksyon sa Syria nang maglaro ito para sa Al Ittihad hawak ang averages na 20.4 points, 4.1 rebounds at 4.3 assists.
Kaya naman inaasahang tututukan ng husto ng Gilas ang depensa nito kay Harrison.
Sa kabilang banda, masisilayan na sa aksyon sa unang pagkakataon si Bennie Boatwright — ang naturalized player ng Gilas na hahalili kay Justin Brownlee.
Makakasama nito sina Dwight Ramos, Scottie Thompson, Kai Sotto, Quentin Millora-Brown, AJ Edu at Mike Phillips.
Matapos ang Syria, sunod na haharapin ng Gilas Pilipinas ang Iran sa Nobyembre 29.
- Latest

















