Krusyal na panalo target ng UST vs AdU
MANILA, Philippines — Walang ibang pagpipilian ang University of Santo Tomas kundi ang talunin ang laglag nang Adamson University upang makahirit ng playoff para sa huling puwesto sa Final Four ng UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin ngayong araw sa SM Mall of Asia Arena.
Kasalukuyang nasa ika-5 puwesto ang Growling Tigers tangan ang 7-6 karta habang magkasalo sa No. 3 sa team standings ang defending champion De La Salle University at Far Eastern University na may tig-8-5 baraha.
Magsisimula ang banatan ng Growling Tigers at Soaring Falcons sa alas-5 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Ateneo Blue Eagles at University of the East Red Warriors sa alas-2:30 ng hapon.
Makakapuwersa ng do-or-die playoff ang UST kapag manalo sila sa Adamson, makakaharap nila ang matatalo sa FEU-La Salle match para paglabanan ang isang ticket na natitira sa semis.
Nakatakdang magharap ang FEU at La Salle sa alas-2:30 ng hapon sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest

















