Win no. 6 target ng Jose Rizal
MANILA, Philippines - Magkaroon ng winning streak papasok sa mas mahirap na tagisan sa Final Four ang nais isagawa ng Jose Rizal University sa pagpasok ng huling dalawang laro sa 87th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Selyado na ng Heavy Bombers ang ikaapat at huling puwesto sa semifinals matapos talunin ng nagdedepensang San Sebastian Stags ang Lyceum Pirates, 80-68, noong Oktubre 5.
May laro pa ang guest team laban sa St. Benilde sa tampok na laro sa alas-4 ng hapon pero wala ng halaga ang resultang ito sa paghahabol sa Final Four dahil hanggang pitong panalo lamang ang pinakamagandang pagtatapos na mahahawakan ng Lyceum at kapos pa rin ng isang panalo para makatabla ang Jose Rizal kung matalo ito sa EAC.
Kalaro ng tropa ni coach Vergel Meneses ang tropa ni coach Gerry Esplana sa ganap na alas-11:45 ng tanghali at ipaparada nila ang limang sunod na panalo na nagbangon sa koponan mula sa masamang 3-9 simula.
“Hindi namin iniisip ang nangyari sa Lyceum. Basta kami ang aatupagin namin ay ang EAC and we must win this game,” wika ni Meneses na hindi pa rin sumasablay sa paghatid sa koponan sa Final Four matapos pumasok sa liga noong nakaraang taon.
Kailangang manalo ng Heavy Bombers upang patuloy na maging mataas ang kanilang kumpiyansa dahil hindi biro ang makakalaban nila sa Final Four.
Dahil nasa ikaapat na puwesto, babanggain nila ang alinman sa San Sebastian o San Beda at bukod sa malalakas ang kalaban, kailangan pa rin nilang talunin ang makakatunggali ng dalawang sunod para makaabante sa Finals.
Ang No. 1 spot ang paglalabanan ng Stags at Red Lions sa pagtatapos ng eliminasyon sa Miyerkules.
Sa magandang ball movement ng kanyang manlalaro at solidong depensa uli aasa ang Heavy Bombers para maduplika ang 76-60 tagumpay na kanilang naiposte sa first round.
Nais naman ng Generals na manalo upang wakasan ang apat na sunod na kamalasan.
- Latest
- Trending

















